Saturday, February 18, 2006

PULANG SUTANA

Mula sa bintana ng antigong kapilya
tumagos sa puting kurtina
ang mapulang hamog ng takipsilim
na dahan-dahang pumukaw
sa nahihimlay na pusong matagal nang uhaw.

Tumayo sa pagkasubsob sa kumikinang na retablo
upang matunton kung saan bumubukal ito;
sinuyod ang bawat sulok ng mabangis na kagubatan
na walang bitbit kahit ano man
maski anino ng iniwang simbahan.

Pagdating sa dalampasigan, agad na tinapakan
ang pisngi ng nahihimbing na karagatan;
naramdaman na lamang ang kakaibang lamig
at sabay pinawi ang nag-aapoy na kabanalan
na para sa mga anghel lamang nakalaan.

Habang nasa tuktok ng tinatamasang katiwasayan
unti-unting ring natatakluban
at tuluyan na ring binalot
ang matagal nang suot na sutana
na ngayo'y niyakap na ng hamog na pula.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home